Umabot na sa pitong (7) isla na inaangkin ng Pilipinas sa South China Sea ang natayuan ng military bases ng China sa panahon lamang ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay dating Makabayan Congressman Neri Colmenares, maaaring hindi nasakop ng Tsina ang pito sa mga inaangking isla ng Pilipinas kung iginiit lamang ng administrasyon ang panalo natin sa international arbitral court.
Seven reefs nag-install ang China noong 2017 to 2018 na may mga airports, may mga, e, kung tinayuan sana natin ‘yun noong 2016 pa. I think magrarally ang international community to support us at sabihin sa China na, “Oh, wag nga kayong magtayo diyan, sabi ng Pilipinas huwag,”, e, yung Pilipinas yung nanalo. Ang problema ng international community noon, yung nanalo mismo sa kaso, tahimik. So, parang hirap silang bumira sa China na nagtatayo diyan sa pitong reef na ‘yan,” ani Colmenares.
Kasabay nito, nagtataka si Colmenares kung ano ang nakapagpabago sa isip ng pangulo at tila desidido na itong buksan kay Chinese President Xi Jinping ang desisyon ng intenational arbitral court na pumapabor sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Colmenares na ngayon pa lamang nangyari na may isang pangulo na bumisita sa iisang bansa nang limang beses.
Ang biyahe ng Pangulong Duterte bukas ay pang-limang beses na nyang pagbisita sa China mula nang maupong pangulo ng Pilipinas.
Ano na nangyari doon sa sinabi mo na pag tinayuan natin, lulusubin tayo ng China? Anong nangyari? ‘Di ba? And fifth visit in China, I’ve never heard of a president who went to a single country five times. Sa buong mundo, at least, wala akong… lalo na sa Pilipinas. Well, I hope he will fulfill his promise,” dagdag pa ni Colmenares.