Pabor si Education Secretary Leonor Briones sa panukalang “no homework policy” o pagbabawal sa pagbibigay ng takdang aralin sa mga estudyante mula Kindergarten hanggang high school.
Ayon kay Briones, nararapat lamang na ginagawa ang mga aktibidad na may kaugnayan sa mga lessons sa loob ng school hours.
Sa ganitong paraan aniya, magkakaroon ng panahon ang mga magulang at kanilang mga estudyanteng anak na mag-bonding o makapagpahinga.
Dagdag pa ni Briones, kadalasan din aniya na hindi ang mga bata ang gumagawa mismo ng kanilang mga assignments pagdating sa bahay kundi mga magulang, guardian o tutors.
Magugunitang inihain nina House Deputy Speaker Evelina Escudero at Quezon City Representative Alfred Vargas ang pagbabawal sa pagbibigay ng mga assignment sa mga bata dahil nagiging dahilan anila ito ng paghina ng pundasyon ng pamilya.
Gayundin ang maiwasan na ang pagbibitbit ng mabibigat na mga aklat ng mga estudyante.