Dalawa na ang kumpirmadong nasawi sa pagkakasunog ng pampasaherong barkong MV Lite Ferry 16 sa Dapitan City, Zamboanga Del Norte.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Captain Armand Balilo, kinilala ang isa sa mga nasawi na si Danilo Gomez, 60-taong gulang at ang isang 11-buwang gulang na bata.
Sa huling ulat mula sa PCG-Zamboanga Del Norte, nasa 102 pasahero na ng nasunog na barko ang nailigtas habang nagpapatuloy pa rin ang rescue operations.
Dagdag ng PCG-Zamboanga, patuloy pa rin ang pagliyab ng MV Lite Ferry 16 bagama’t humina na ang apoy.
Batay sa natanggap na ulat ni Balilo, pasado 12:30 ng hating gabi nang makatanggap ng tawag ang PCG-Zamboanga Del Norte mula sa kapitan ng MV Lite Ferry 16 para humingi ng tulong.
Nasa bahagi umano ng Tag-ulo point ang barko o tinatayang 1.5 nautical miles mula sa Pulauan Port sa Dapitan.
Agad namang tinawagan ng PCG ang isang kaalis pa lamang na fastcat at dalawa pang barko para tulungan ang nasa 150 pasahero ng MV Lite Ferry 16.