Tatlo ang nasawi nang masunog ang isang pampasaherong barko habang naglalayag sa karagatang bahagi ng Dapitan City, Zamboanga Del Norte.
Kinilala ang mga ito na sina Danilo Gomez, 60 taong gulang; Ronaldo Heneral, 65 taong gulang at ang isang taong gulang na batang si Chloe Labisig.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Coast Guard Dapitan, nasa 245 pasahero at 16 na tripulante na ang nailigtas mula sa nasunog na MV Lite Ferry 16.
Habang nasa 22 pa ang ‘unaccounted’ na pinaniniwalang mga tripulante ng barko.
Gayunman, sinabi ng PCG Dapitan na isinasailalim pa nila sa beripikasyon ang nasabing bilang at kinukumpirma kung nawawala nga ang 22 tripulante.
Iiimbestigahan din ng PCG ang pananagutan ng Lite Shipping Corporation, may-ari ng nasunog na barko matapos namang i-anunsyo nito na nasa 180 pasahero lamang ang sakay ng Lite Ferry 16 nang umalis ito ng Cebu.
Batay sa natanggap na ulat ng PCG, pasado alas 12:30 ng madaling araw kahapon ng masunog ang Lite Ferry 16, higit isang milya na lamang ang layo sa destinasyon sa Dapitan City Port.