Magsasampa ng kasong libelo si Presidential Spokesman Salvador Panelo laban sa online news websites na Inquirer.net at Rappler.
Ito, ayon kay Panelo, ay dahil sa aniya’y malisyosong isinulat na balita ng mga naturang online news websites kaugnay sa pagbibigay nito ng referral letter sa Board of Pardons and Parole (BPP).
Ayon kay Panelo, malisyoso ang naturang balita na nagsasabing inindorso niya sa BPP ang executive clemency para kay dating Calauan mayor Antonio Sanchez na dati rin niyang kliyente.
Depensa ni Panelo, malinaw na sulat ang kanyang inindorso at ginagawa niya aniya ito sa lahat ng lumalapit sa kanyang tanggapan.
Dagdag pa nito, bahagi aniya ito ng kanyang pagsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakaroon ng ‘good governance’.
Samantala, magugunitang inamin ng BPP sa pagdinig ng senado na sumulat sa kanya si Panelo na nag-eendorso sa sulat ng isa sa mga anak ni ex-mayor Sanchez.