Pinasinungalingan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na naging “apologetic” si Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese President Xi Jinping nang buksan nito ang usapin ng arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas.
Ayon kay Foreign Affairs secretary Teodoro Locsin Jr., imbento at pawang kasinungalingan lamang ang naturang ulat.
Palagi naman aniyang tinatalakay ni Pangulong Duterte ang arbitral ruling sa tuwing bibisita siya sa China.
Kamakailan din, ani Locsin, ay ipinag-utos ni Pangulong Duterte na kailangan munang humingi ng permiso sa gobyerno ang mga foreign warships na dadaan sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Sa katotohanan aniya ay nais din ng China na manghingi ng clearance o permiso mula sa bansa.
Dagdag pa ni Locsin, hindi siya pumapalya sa paghahain ng diplomatic protest laban sa China sa tuwing may insidente ng panghihimasok ng China sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Samantala, magugunitang napaulat naman na sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, kapwa kasama ni Locsin sa Chinese visit ni Pangulong Duterte, na nanghingi ng tawad ang pangulo kay Xi sa pag-uungkat nito sa arbitral ruling dahil kinakailangan aniya nitong tuparin ang pangako niya sa mga Pilipino.