Nagtalo sa hearing ng Senate Committee on Public Services sina Senador Grace Poe na chairperson ng komite at Transportation secretary Athur Tugade.
Kaugnay ito sa emergency powers na hinihingi ng pamahalaan para maresolba ang malalang daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay Tugade, mas marami sanang nagawang proyekto ang Department of Transportation (DOTr) para resolbahin ang problema sa trapiko kung pinagbigyan ng senado ang emergency powers na matagal na nilang hinihingi.
Ito po ay emergency power na hing pang-forever. Ito po ay emergency power na sukat sa isang taon, dalawa, tatlong taon, kaya nga kung ating pag-iisipan at bigyang tanaw ang nakaraan, kung napagbigyan lang sana ang emergency power noon, dapat ngayon ay nirerepaso na natin ang nagawa, kung napagbigyan,” ani Tugade.
Binigyang diin naman ni Poe na hindi dapat umasa lamang sa emergency powers ang DOTr para sa kanilang mga proyekto.
Ayon kay Poe, napakakapal ng listahan ng mga proyekto na isinumite sa kanila ng DOTr pero marami dito ang hindi masyadong importante para sa daloy ng trapiko.
Maliban dito, sinabi ni Poe na napakaraming proyekto ang kayang gawin ng DOTr kahit walang emergency powers.
Pero may mga bagay din na hindi kailangan, sana naayos na rin ninyo. Halimbawa, ang mga train, hindi ninyo kailangan ng emergency powers para magkaroon ng procurement. In fact, mayroong executive order ang ating Presidente [Duterte], yung mga direct procurement, mga repeat order, negotiated procurement, lahat naman iyan na sinasabi ninyong dapat kasama sa emergency powers ay nagagawa na ninyo ngayon, hindi po ba,” ani Poe.