Mananatili sa Senado ng halos isang linggo ang tatlong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) at New Bilibid Prison (NBP) hospital na na-cite for contempt dahil sa pagsisinungaling sa pagdinig ng Blue Ribbon at Justice Committee.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, sa isasagawang pagdinig sa Setyembre 19, Huwebes, pagpapasiyahan kung maaari nang palabasin sina BuCor Technical Chief Inspector Dr. Urcisio Cenas; Legal Chief Fredric Santos at documents and records Chief Ramoncito Roque.
Nakadepende aniya ang paglaya ng tatlong BuCor officials sa kanilang magiging aksyon sa susunod na pagdinig ng Senado.
Magugunitang sa Senate hearing kahapon, inakusahan ni dating Valencia City Bukidnon Mayor at graft convict Jose Galario Jr. si Cenas ng pagtanggap ng suhol para payagan siyang manatili sa NBP hospital.
Kinuwestiyon naman si Santos kaugnay ng pagkakaloob ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) habang inakusahan ng pagtanggap ng pera para sa pagpu-proseso ng GCTA ng mga bilanggo.