Binalaan ng pamahalaan ng Taiwan ang kanilang mga mamamayan laban sa pagbiyahe sa Hong Kong at mainland China dahil sa anila’y malalang sitwasyon doon.
Ito ay matapos naman kumpirmahin ng Taiwan affairs office ng China ang pagkakaaresto at pagkakakulong sa isang Taiwanese businessman na tumawid sa Shenzhen City mula Hong Kong at unang napaulat na nawawala noon pang Agosto 19.
Ayon sa tagapagsalita ng Taiwan affairs office ng China, inaresto ang negosyanteng Taiwanese na si Lee Meng-Chu dahil sa pagsama umano sa criminal activity na maaaring maglagay sa alanganin ng national security ng China.
Kasunod nito, pinag-iingat ng Democratic Progressive Party ng Taiwan ang lahat ng kanilang mga mamamayan na magtutungo ng Hong Kong at mainland China at pinayuhang naka-alerto para sa kani-kanilang kaligtasan.