Inaasahang magkikita sina South Korean President Moon Jae-In at US President Donald Trump sa gaganaping United Nations General Assembly (UNGA) ngayong buwan.
Ito ay sa gitna na rin ng planong panunumbalik ng usapan sa pagitan nina Trump at North Korean leader Kim Jong Un kaugnay sa pagbuwag ng nuclear weapon program ng North Korea.
Ayon sa tagapagsalita ni SoKor President Moon, kanila pang inaayos ang schedule ng pagpupulong nila ni Trump kasabay ng biyahe ni Moon sa New York para sa UN mula sa Setyembre 22 hanggang 26.
Magugunitang, nitong Lunes, inanunsyo ng North Korea ang kanilang kagustuhan na muling makaharap ang Estados Unidos para sa panunumbalik ng denuclearization talks na tinanggap naman ni Trump.