Sisimulan na Bureau of Animal Indrustry (BAI) na i-trace o tuntunin ang mga lugar na dinadaanan ng ilog sa Marikina City kung saan nakitang palutang-lutang ang mahigit 50 patay na baboy.
Kasunod na rin ito ng kumpirmasyon ng Department of Agriculture (DA) na ilang mga backyard hog farms ang naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa Rizal.
Ayon kay BAI Officer in charge (OIC) Director Ronnie Domingo, binabaybay din ng nabanggit na ilog ang ilang mga lugar sa Rizal tulad ng San mateo at Montalban at maging ang bahagi ng Quezon City.
Kanila aniyang susuyurin ang mga lugar na dinadaan ng Marikina river para makita kung may mga nag-aalaga ng baboy malapit o katabi ng ilog.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Domingo ang mga nag-aalaga ng baboy na iwasan munang kumuha o gumamit ng tubig mula sa ilog ng marikina.
Wag kayo (hog raisers) kukuha ng tubig mula sa ilog na pang lines ng kulungan ng baboy, pang ligo at pang inom sa baboy, iwasan muna natin yon,” — Dir. Ronnie Domingo, BAI OIC