Kinumpirma ni Baguio City Mayor at dating CIDG Chief Benjamin Magalong ang kanyang pagdalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado hinggil sa kontrobersiya ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law sa susunod na linggo.
Ayon kay Magalong, nakatanggap siya ng imbitasyon mula kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon para humarap sa pagdinig at ibahagi ang kanyang nalalaman sa mga iligal na aktibidad sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Paliwanag ni Magalong, gumawa siya noon ng Special Operations Intelligence plan kaugnay ng patuloy na operasyon sa iligal na droga ng mga high-profile Chinese drug personalities sa kabila ng pagkakakulong sa NBP.
Kanya aniyang isinumite ang report kay noo’y Justice Secretary Leila de Lima.
Gayunman, sinabi ni Magalong na sumama ang kanyang loob nang hindi sila nakasama sa isinagawang raid noong 2014.