Nanawagan ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa libu-libong motorista na samantalahin ang amnesty program ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay MTPB Director Dennis Viaje, tinatayang 50,000 motorista ang hindi pa natutubos ang kanilang driver’s license simula noong 2014 dahil sa iba’t ibang mga paglabag.
Dahil dito, pinayuhan ni Viaje ang mga nabanggit na motorista na kumuha na lamang ng ‘affidavit of loss’ at mag-apply ng panibagong lisensya sa halip na magbayad ng multa.
Nabatid na mayroon nang kasunduan ang city government at Land Transportation Office (LTO) na magiging epektibo sa susunod na taon kung saan maaaring ma-monitor kung talagang nawala o hindi ang lisensya ng isang motorista.