Patuloy pa rin ang pagrecycle ng mga droga.
Inamin ito ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino sa gitna na rin nang pagtugis nila sa hinihinalang babaeng drug lord na bumibili umano ng kumpiskadong droga mula sa ahente ng gobyerno.
Kasunod na rin ito sa pagtatanong ni Senador Panfilo Lacson sa estado ng problema ng droga sa bansa sa pagdinig ng budget ng PDEA sa susunod na taon.
Tumanggi naman si Aquino na pangalanan ang nasabing drug queen na nakabase sa Metro Manila dahil nais aniya nila itong ineutralize muna.
Sa nasabing pagdinig, hiniling ng PDEA ang dagdag na mahigit P1.5-billion sa 2020 budget para sa ilang aktibidad nito tulad ng pagsasanay sa 1,000 drug enforcement officers, pagbili ng mga armas at protective equipment gayundin ng communication equipment.