Pabor si Senador Panfilo Lacson sa hirit ni Detained Senador Leila De Lima na makadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee.
Kaugnay ito ng kontrobersiya sa GCTA o Good Conduct Time Allowance at mga sinasabing money making scheme sa NBP o New Bilibid Prison.
Ayon kay Lacson, pag-uusapan na lamang ng dalawang komite ang mechanics kung paano mapakikinggan ang panig ni De Lima habang nakakulong ito sa Kampo Krame.
Aniya, maituturing pang kuwestiyon kung papayagan si De Lima na makalabas ng kanyang kulungan para makadalo sa pagdinig ng Senado o ang komite aniya mismo ang magtutungo sa detention cell ng senadora para doon magsagawa ng hearing.
Magugunitang hiniling ni De Lima na mabigyan siya ng pagkakataong sagutin ang napag-usapan sa mga nakalipas na senate hearing kung saan muling ipinaulit kay dating NBI at BuCor official Rafel Ragos ang paghahatid umano nito ng pera mula sa mga illegal drug traders sa NBP patungo sa kanyang tahanan.