Mahigpit na binabantayan ng Pilipinas ang outbreak ng ebola virus sa Democratic Republic of Congo.
Kasunod na rin ito ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) sa ebola outbreak bilang public health emergency of international concern.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Health (DOH) at sa Bureau of Quarantine gayundin sa Bureau of Immigration (BI) at Civil Aeronautics Board (CAB) para sa contingency measures laban sa ebola.
Noong nakalipas na buwan idineklara ang ebola outbreak sa Congo matapos masawi ang mahigit 2,000 katao at halos 4,000 iba pa ang nagkasakit nito.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nakadepende sa rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung magpapatupad ng deployment ban ang bansa sa Congo.
Lumalabas sa datos ng POEA na nasa halos 800 at 660 Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nagtrabaho sa Congo noong 2016 at 2017.
Taong 2014 nang magpatupad ang gobyerno ng Pilipinas ng deployment ban sa Liberia, Guinea at Sierra Leone dahil sa ebola outbreak.