Welcome sa Malakanyang ang inamyendahang IRR o Implementing Rules and Regulation ng Good Conduct Time Allowance Law na nilagdaan naman nila Justice Secretary Menardo Guevarra at Interior Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nararapat lamang na hindi makasama bilang benipisyaryo ng GCTA Law ang mga nahatulan dahil sa mga karumal-dumal na krimen.
Dagdag ni Panelo, umaasa silang mabibigyang linaw at matutugunan na ang mga nakitang butas sa pagpapatupad ng GCTA Law ng ginawang pagbabago at pagsasa-ayos sa IRR nito.
Iginiit ng kalihim, wala na rin aniya lugar para malito o maguluhan pa ang mga law enforcers sa pagpapatupad ng GCTA Law lalo na ang BuCor o Bureau of Corrections.
Samantala, pinuri naman ni Panelo sina Guevarra at Año para sa maagap na pagkilos at pag-aaral para matapos ang updated IRR ng Republic Act 10592 o GCTA Law.