Binalaan ng Department of Health o DOH ang mga residente sa mga lugar sa bansa na naabot ng haze mula sa nagaganap na forest fire sa Indonesia.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, maaaring makapagdulot ng panganib sa kalusugan partikular na sa baga ang paglanghap ng makapal na usok.
Binigyang diin pa ni Duque na higit na mapanganib din aniya ito sa mga may asthma o hika, mahihina ang baga, mga may sakit at mga kagagaling lamang mula sa pneumonia o impeksyon sa baga.
Pinapayuhan naman ng kalihim ang mga residente sa mga apektadong lugar na magsuot ng mga face masks kapag lumalabas ng kanilang mga tahanan at magpakonsulta kung nakakaranas na ng hirap sa paghinga.
Nabatid na umabot na sa Tawi-Tawi, bahagi ng Palawan at Koronadal City sa South Cotabato ang usok mula sa nagaganap na malawakang forest fires sa Sumatra at Borneo sa Indonesia.