Hinatulang ‘guilty’ ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang walong (8) tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa kasong ‘homicide’ kaugnay sa Balintang Channel incident nuong 2013.
Personal na humarap sa Manila RTC branch 15 ang walong (8) respondents na sina Coast Guard Cmdr. Arnold Dela Cruz, Seaman 2nd Class Nicky Aurelio, Seamen 1ST Class Edrando Aguila, Mhelvyn Bendo II, Andy Gibb Golfo, Sonny Masangkay, Henry Solomon at PO2 Richard Corpuz.
Sinasabing ang naturang mga tauhan ng PCG ay sangkot sa pagkamatay ng isang Taiwanese fisherman na kanilang sinita sa Batanes island.
Dahil dito, pinatawan ang mga sangkot ng walong (8) hanggang labing apat (14) na taong pagkakakulong.
Maliban dito pinagbabayad din ang bawat isa ng multang nagkakahalaga ng P100K, P50K para sa civil indemnity at P50K para naman sa moral damages.
Magugunitang nuong May 9, 2013, naka-engkwentro ng tropa ng coast guard ang mga mangingisdang Taiwanese na sakay ng dalawang (2) bangka matapos na hindi huminto at nagtangka pang tumakas ang mga ito makaraang sitahin ng PCG para sana sa proper boarding procedures.
Dito na pinaputukan ng tauhan ng PCG ang mga Taiwanese na ikinasawi ng mangingisdang si Hong Shih Cheng.