Tanging ang Office of the President lamang ang maaaring mag-utos ng opisyal na suspensyon sa muling pag-aresto sa mga convicts na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance Law.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Justice Undersecretary at Spokesperson Markk Perete matapos nilang hilingin sa Philippine National Police o PNP na pansamantalang itigil ang muling pag-aresto sa mga napalayang convict.
Ayon kay Perete, si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang maaaring opisyal na magpatigil sa pag-aresto sa mga napalayang convict dahil nagmula rin sa punong ehekutibo ang orihinal na kautusan.
Una nang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na maaari pa ring ipatupad ang warrantless arrests sa mga convicts na napalaya dahil sa GCTA pero dapat may tiyak na impormasyon aniya ang pulisya.
Magugunitang, ipinatigil muna ng DOJ sa tracker team ng PNP ang pag-aresto sa mga napalayang convicts sa pamamagitan ng GCTA dahil sa magkaibang bilang ng mga sumuko kumpara sa listahan ng ahensiya.
“Nung nililinis namin yung 1,914, while that list contains heinous crimes convicts, may mga kasama doon na parang nabigyan ng pardon, nabigyan ng parole, nabigyan ng clemency, so hindi dapat yun nakasama kasi yung dapat na nasa listahan lamang ay yung based on GCTA computation and then may mga double entries doon. So dapat, ang expectation namin, yung actual number of mga sumuko, should be lower than 1,914,” ani Perete — sa panayam ng Ratsada Balita)