Mahigpit na bubusisiin ng Senado ang panukalang 4.1 trillion pesos proposed budget para sa 2020.
Ito ang tiniyak ni Senate President Vicente Sotto III sa kabila ng mabilis na pagkakalusot sa ikalawa at ikatlong pagbasa ng House Bill Number 4228 o 2020 General Appropriations Bill sa Kamara De Representates.
Ayon kay Sotto, hindi napi-pressure ang Senado na agad maipasa ang pambansang pondo bagkus ay mas mabibigyan aniya sila ng panahon para masiyasat ito nang maigi.
Pagtitiyak pa ni Sotto, hindi makalulusot sa Senado ang mga posibleng isiningit na pork barrel sa 2020 proposed national budget.
“Wala pa kong natatandaan na Senate na nag fastbreak ng budget eh. Alam mo naman doon sa Senado, aside from the chairman of Committee of Finance, meron kaming sub-committee chair na si Senator Lacson. Hindi makakalusot si Senator Angara. Hindi rin makakalusot kay Ping yun. Siguro, what he means would be a probably bottom up budget request from the local tapos dinaan nila doon sa district tapos yung congressman, nag incorporate doon sa budget.”
Samantala, sa pagtaya ni Sotto, posibleng maisalang na sa Bicameral Conference Committee ang panukalang pambansang pondo sa unang linggo ng Disyembre.
“Pwedeng maaga. Mga first week of December nag ba-bicam na kung ready na talaga sila i-submit sa amin by Monday. Pinaka matagal na yun. Baka last week of November, baka makapagpasa kami by 2nd or third reading because that gives us at least 3 weeks and usually kapag budget na at nasa floor na yan, morning and afternoon kami,” ani Sotto. — sa panayam ng Usapang Senado.