Itinuturing nang suspek ang tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) hinggil sa pagkamatay ni Cadet 4th class Darwin Dormitorio sanhi ng hazing.
Ayon kay P/Col. Allen Rae Co, hepe ng Baguio City Police, suportado aniya ng mga pahayag mula sa mga kapwa kadete ni Dormitorio ang pagdiriin sa tatlo pa nilang kasamahan na ngayo’y nahaharap na sa patumpatong na kaso.
Binubuo aniya ang mga naturang suspek ng dalawang Cadet 3rd class at isang plebo o Cadet 1st class na nagsagawa ng hazing kay Dormitorio sa pamamagitan ng pagkukuryente sa maselang bahagi ng katawan nito.
Maliban sa tatlong kadeteng suspek, isiniwalat din ni Col. Co na may dalawang persons of interest pa silang binabantayan ngayon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, tatlong beses nang nagpabalik-balik sa PMA station hospital si Dormitorio mula noong Agosto 22, Setyemre a-sais at Setyembre 17 kung saan, nakitaan ito ng mga sugat sa iba’t ibang bahaging katawan.
Kasunod nito, iniimbestigahan na rin ng pulisya kung mayroong pananagutang kriminal ang doktor ng PMA station hospital na tumingin kay Dormitorio subalit nagtago sa tunay na kundisyong medikal ng biktima.