Malilibre na sa VUC o Vehicle User’s Charge o Road User’s Tax ang mga motorsiklo na walang side car at ang mga may engine displacement na 400cc pababa.
Batay ito sa House Bill 4695 na inihain ni House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda subalit itataas naman ang singil sa iba pang uri ng sasakyan.
Sinabi ni Salceda na milyun milyong motorcycle riders ang makikinabang sa panukala dahil hindi naman sila masyadong sumasakop ng kalsada kumpara sa ibang sasakyan.
Nilinaw naman ni Salceda na hindi naman bibiglain ang mga motorista kaya’t dahan dahang ipapatupad sa loob ng tatlong taon ang pagtataas at pagsapit ng taong 2023 ay papasok ang unitary rate na 1.40 per kilogram ng gross vehicle weight sa lahat ng uri ng sasakyan.
Bukod dito, itatakda na rin ang limang porsyentong pagtataas sa road users tax simula January 1, 2024.
Gagamitin naman ang malilikom na pondo sa Universal Health Care Law at sa public utility vehicle modernization program.
Sa pagtaya ni Salceda, kikita ang gobyerno ng dagdag na 8.12 billion pesos para sa taong 2020 hanggang sa umabot ng mahigit 32 billion pesos sa taong 2024.