Hindi kumbinsido si Senador Panfilo Lacson na kailangan pang magsagawa ng pagdinig ang Senado sa pagkamatay ni PMA Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio.
Ito, ayon kay Lacson ay dahil hindi na kailangan ng bagong batas o amiyenda kundi angkop na implementasyon na lamang ng batas.
Sinabi ni Lacson na malinaw naman sa batas na hindi kailangang parusahan ang mga plebo o trainee.
Gayunman, dismayado si Lacson sa nangyari kay Dormitorio at ang mga upper classmen o matatandang estudyante ay dapat na natuto na sa mga nakalipas na hazing incidents.
Una nang ikinadismaya ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang insidente dahil hindi pa aniya nakakabangon ang anti hazing groups sa pagkamatay noon ni UST Student Horacio “Atio” Castillo III at iba pang biktima ng hazing. — ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)