Ipinatitigil na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang demolisyon sa gumuhong abandonadong gusali ng isang hotel sa Malate, Maynila.
Kasunod na rin ito nang inisyung work stoppage order sa Golden Breeze Realty Incorporated, Fabellon Construction and Development Corporation at ilang sangkot na sub contractors sa nasabing gusali sa Mabini Street.
Ito ayon kay Labor Assistant Secretary Benjo Santos Benavidez ay para hindi na manganib ang buhay ng mga trabahador matapos lumabas sa kanilang imbestigasyon na walang trained safety officer at walang certified first aider sa lugar na pawang requirement sa pagsisimula at pagtatapos ng demolisyon.
Ipinabatid pa ni Benavidez na nagkaroon ng paglabag sa occupational safety and health standards kabilang ang kakulangan ng employers expired construction and health and Osh Programs, kawalan ng trained safety officer, first aider at safety and health committee at employers work permit o illness exposure data report.
Ipinatawag naman ni Labor NCR Director Sarah Buena Mirasol ang may ari ng gusali at contractor para sa mandatory conference sa DOLE Manila Field Office ngayong araw na ito.