Nagpasaklolo na ang Department of Health (DOH) sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa mabilis na aksyon kontra polio.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, spokesman ng DOH, kailangang mabilisan ang pagbabakuna na kailangan nilang gawin lalo na sa Mindanao kaya’t nagpatulong na sila sa NDRRMC, Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Education at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ni Domingo na malakas makahawa ang virus ng polio kaya’t kailangan ng mabilisang aksyon ng DOH.
Una nang nakitaan ng polio virus ang isang limang taong gulang na bata sa Laguna at tatlong taong gulang na bata sa Lanao Del Sur.
Matatandaang sinabi ng World Health Organization na kailangang maabot ng DOH ang 95% coverage ng oral polio vaccines mula sa kasalukuyang 66% lamang upang matiyak na hindi na magiging aktibong sakit sa Pilipinas ang polio.