Lusot na sa U.S. Senate Appropriations Committee ang panukalang pagbawalang makapasok sa Estados Unidos ang lahat ng opisyal ng pamahalaan na sangkot sa tinawag nilang ‘politically motivated’ na pagpapakulong kay Senador Leila De Lima.
Sa kanyang Twitter post, pinasalamatan ni U.S. Senator Dick Durbin ang komite sa pagpasa sa amyendahang ipinasok nila kasama si U.S. Senator Patrick Leahy.
Good to see the Senate Appropriations Committee pass my amendment with @SenatorLeahy today to prohibit entry to any Philippine Government Officials involved in the politically motivated imprisonment of Filipina Senator Leila de Lima in 2017. We must #FreeLeilaNow.
— Senator Dick Durbin (@SenatorDurbin) September 26, 2019
Si Durbin ay isa lamang sa limang U.S. senators na naghain ng resolusyon sa U.S. Senate na kumokondena sa pananatili sa kulungan ni De Lima mula pa noong February 2017.
Ang iba pang senador na nananawagan para mapalaya si De Lima ay sina Senador Marco Rubio, Ed Markey, Marsha Blackburn at Chris Coons.
Isinasangkot ng Duterte administration si De Lima sa paglaganap ng illegal drugs operations sa loob ng New Bilibid Prison noong panahon nya bilang Justice secretary kung saan pawang mga convicted drug lords ang tumestigo sa kanya sa pagdinig ng kongreso.