Ayaw nang patulan ni Senate President Vicente Sotto III ang patutsada ng ilang mga kongresista laban sa Senado.
Kasunod ito ng ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na tinatangka aniya ng House of Representatives na maglaan ng tig-1.5 bilyong pisong pork barrel fund sa kada deputy speaker sa 4.1 trillion pesos 2020 proposed national budget.
Ayon kay Sotto, kabilang sa tungkulin ng mga senador ang busisiin ang mga nakikitang mali lalu na sa usapin ng national budget.
Hinamon din ni Sotto ang mga nagrereklamong kongresista na maghain ng complaint laban sa Senado.
Magugunitang, hinamon ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor si Lacson na humingi ng tawad at iginiit na dapat bawasan ang pondo ng Senado kasunod ng mga ibinunyag ng senador hinggil sa 2020 proposed national budget.
“The more na patulad mo yan, the more na natutuwa pa eh. Dapat diyan, wag na nating patulan kasi basta’t lumalakad itong Senado lalo na yung chair nung Committee on Finance namin, kung may napupuna si Sen. Lacson o yung iba sa amin, eh ganoon talaga eh, diba? Alanganaman tumahimik kami o tumahimik si Sen. Lacson kung meron siyang nakikita.”
Samantala, wala namang plano si Sotto na kausapin pa si House Speaker Alan Peter Cayetano kaugnay ng nangyayaring bangayan sa pagitan nina Lacson at ibang mga kongresista.
“Unless tawagan ako ni Speaker Alan (Cayetano), I have no intentions of calling them or talking to them about it dahil hindi sa amin nagmumula eh. Yung impormasyon na nakuha ni Sen. Lacson, nabanggit niya, pinick up ng media, kung hindi totoo, eh di hindi totoo. Tapos ang nangyayari parang pinalalaki pa eh,” ani Sotto — sa panayam ng Usapang Senado.