Nagpasaklolo na sa Korte Suprema ang walong inmates para kuwestyunin ang legalidad ng nirebisang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10952 o Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ito palamang ang kauna-unahang pagkakataon na idudulog sa Korte Suprema ang naturang batas matapos na magkaroon ng kontrobersiya dito.
Inapela ng naturang mga inmate ang bagong rule kung saan dini-diskwalipika ang mga bilanggo na sangkot sa heinous crime para mag benepisyo sa time allowance for good conduct, pag-aaral, pagtuturo, mentoring at loyalty.
Nagkaroon umano ng grave abuse of discretion sa isinagawang rebisyon ng IRR ng GCTA dahil sa pagtanggal sa mga recidivist, habitual delinquents, escapees at nahaharap sa heinous crime sa pagbenipisyo sa anomang uri ng time allowance.
Inihirit pa ng naturang mga inmate na dapat na makinabang sa time allowance ang mga disqualified person deprived of liberty na nakulong bago pa effectivity ng RA 10592 noong 2013.
Una nang nagsisuko ang mga bilanggong nakinabang sa GCTA kasunod ng apela ni Pangulong Rodrigo Duterte.