Aprubado na ng Senado ang panukalang ipagpaliban ang nakatakadang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) election sa May 2020.
Lahat ng 21 senador na dumalo sa plenaryo ang bumoto pabor sa Senate bill number 1043 kaya agad itong nakalusot sa 3 at huling pagbasa.
Oras na maisabatas, ipagpapaliban sa December 2022 ang Barangay at SK elections o 5 buwan matapos ang Presidential elections sa Mayo ng kaparehong taon.
Habang itinakda naman ang mga susunod na Halalang pambarangay at Sangguniang Kabataan sa kada 3 taon.
Sa inisyal na panukala ni Senate electoral reforms committee Imee Marcos, inihirit nitong ganapin na lamang sa May 2023 ang halalan pero napagkasunduan ng mga senador na palitan ito dahil masyado anilang mahaba ang limang taong extension ng mga kasalukuyang Barangay officials.
Una na ring nakalusot sa committee level ang bersyon ng mababang kapulungan sa panukalang postponement ng Barangay at SK elections.