Pinangalanan na ni Baguio City Mayor at dating PNP-CIDG Chief Benjamin Magalong ang aniya’y ‘ninja cops’ na nasa likod ng isang kontrobersyal na anti-drugs operations sa Pampanga nuong November 2013.
Ayon kay Magalong, inatasan sya ng nuo’y PNP Chief Allan Purisima na imbestigahan kung bakit ang mga pulis ng Pampanga na halos sabay-sabay nagkaruon ng SUV matapos magsagawa ng drug raid sa Pampanga.
Sinabi ni Magalong na ang raid nuong 2013 ay pinamunuan ni Police Supt Rodney Baluyo, kasama sina Senior Supt Joven de Guzman, SPO1 Jules Maniago, SPO1 Donald Roque, SPO1 Ronald Santos, SPO1 Rommel Vital, SPO1 Alcindor Tinio, SPO1 Eligio Valeroso, PO3 Dindo Dizon, PO3 Gilbert De Vera, PO3 Romeo Guerrero, PO3 Dante Dizon at PO2 Anthony Lacsama.
Natuklasan aniya sa imbestigasyon na nasa mahigit 200 kilos ng shabu ang nakumpiska ng grupo sa drug raid, subalit 38 kilos lamang ang kanilang iprinisinta.
Yung mga witnesses mismo ang nagsabi na sa laki, sa sobrang dami ng shabu na nakumpiska doon sa bahay, halos apat na tao ang nagbubuhat doon sa oversized na maleta at kitang-kita nila na pati ‘yung shabu tumutulo pa” ani Magalong
Inaresto rin aniya ng grupo ni Baluyo ang isang Korean national na si Johnson Lee, subalit ibang suspek ang kanilang iprinisinta sa publiko.
Ayon kay Magalong, sinibak at kinasuhan ng nuo’y Pampanga PNP Director Oscar Albayalde ang grupo ni Baluyo.
Kumbinsido aniya ang PNP-CIDG na mahina ang kasong isinampa ni Albayalde kayat hiniling nila sa Regional Director nuon ng PNP na i-atras ito para makapagsampa ng mas matatag na kaso ang CIDG.
Gayunman, nakapagretiro na aniya sya ay wala pang nangyayari sa kaso.
Nung retired na po ako, I’ve learned na meron palang napirmahan si Gen. (Raul) Petrasanta na decision on the administrative case, and the decision is dismissal (ng grupo ni Baluyo). The date of the dismissal order was Novermber 14, 2014 but it was never implemented,” dagdag pa ni Magalong