Ipinauubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang magiging kapalaran ni PNP Chief general Oscar Albayalde.
Ito ay matapos lumabas sa pagdinig ng Senado na tinawagan ni Albayalde si noo’y Police Regional Office 3 Director Aaron Aquino para kumustahin ang kaso ng ilang Police Pampanga na sangkot sa iregularidad sa isang buybust operation noong 2013.
Bago tumulak patungong Russia, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanya munang hihintaying matapos ng Senado ang kanilang isinasagawang imbestigasyon sa usapin.
Saka aniya hahayaan si Año na pag-aaralan ang ipalalabas na report ng Senado kasabay ng pagsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon kung kinakailangan.
Dagdag ng Pangulo, tanging ang ibibigay na report at rekomendasyon ni Año ang kanyang gagamiting batayan kung may sisibakin o tatanggalin sa puwesto sa mga sangkot na pulis.