Sa likod ng isang matagumpay na istorya sa bawat karera, ay may isang guro na naging bahagi ng kwento ng pag-asa, pagkalugmok at muling pagbangon.
Kung hindi mo pa napapasalamatan si ‘teacher’ na naging bahagi ng iyong pagkatao ngayon, hindi pa huli ang lahat, ito na ang pagkakataon.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 242 na nilagdaan ni dating pangulong Benigno Aquino III noong ika-24 ng Agosto taong 2011, ay mga guro naman ang sesentro sa entablado.
Taunang ipinagdiriwang ang National Teachers’ Month mula ika-5 ng Setyembre hangang ika-5 ng Oktubre na iprinoklama namang World Teachers’ Day.
Binibigyang-halaga rito ang kadakilaan at malaking ambag ng mga guro sa lipunan at sa pag-unlad ng bansa.
Batay sa proklamasyon, ang naturang pagdiriwang ay nagbibigay daan upang kilalanin at bigyang halaga ang hindi mapapantayang serbisyo ng mga guro sa paggabay sa bawat pamilya, pagbubuklod sa komunidad at maging sa pag-unlad ng buong bansa.