Pinaninindigan ng kampo ni Senator Grace Poe na isa itong Filipino citizen mula nang ipinanganak at hindi kailangang dumaan sa naturalization process para maging Filipino citizen.
Ang pahayag ay ginawa ni Atty. George Garcia, abogado ni Poe sa disqualification case nito sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Ayon kay Garcia, sa ilalim ng Customary International Law, ang foundling o mga inabandona ay tinuturing na ipinanganak sa bansa kung saan ito natagpuan kaya naman sa kaso ng Senadora ay malinaw na isa itong Filipino taliwas sa naging pahayag ni SET Chairman Associate Justice Antonio Carpio na maituturing lamang na naturalized citizen si Poe.
Naniniwala naman si Election lawyer Romulo Macalintal na magiging bad precedent sa mga kaso ng mga inabandonang bata na nais ding magsilbi sa gobyerno ang pagsasabi ni Carpio na isang naturalized citizen si Sen. Grace Poe dahil nangangahulugan ito na hindi maaaring tumakbo sa gobyerno dahil hindi natural-born citizen.
Giniit ni Macalintal na dahil walang batas ang Pilipinas sa foundling ay susundin nito ang International Law.
By Mariboy Ysibido