Pabor ang grupo ng mga employers sa panukala ni Albay Representative Joey Salceda na bawasan ang mga deklaradong ‘non-working holidays’ sa bansa.
Ayon kay Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio Ortiz-Luis, matagal na nilang ipinararating sa pamahalaan ang usapin.
Aniya, kapwa may negatibong epekto sa mga employers at manggagawa ang pagkakaroon ng maraming public holidays.
Paliwanag ni Ortiz-Luis, magastos at maituturing na abala para sa mga employers ito dahil nakakabawas sa produksyon habang nababawasan naman ang maaaring kitain ng mga tinatawag na arawang manggagawa.
Malaking losses at abala na wala namang magandang epekto pagka mga holidays, dapat sana mabawasan talaga ‘yon,” ani Ortiz-Luis.
Samantala, ayon naman kay Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Union- Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), bagaman hati ang opinyon ng mga grupo ng manggagawa hinggil sa naturang panukala, para sa kanila ay wala silang nakikitang kailangang bawasan sa mga holidays sa bansa.
Lalo na aniya ngayong nararanasan na ang matinding problema sa trapiko ay mas kailangan ng mga manggagawa ng oras para sa sarili at mga pamilya upang magkaroon ng ‘work-life balance’.
Hindi rin niya ito isang ‘urgent’ na bagay at hindi pa naman kinakailangan sa ngayon.
It’s not urgent, it’s not necessary at this time,” ani Tanjusay. — sa panayam ng Ratsada Balita