Nangangamba ang NPC o National Press Club na ang kawalang aksyon ni Justice Secretary Leila de Lima sa petition for review sa kaso ng pinatay na broadcaster/environmentalist Dr. Gerry Ortega ang patuloy na magpalaya sa mga suspected masterminds sa krimen.
Ayon kay Joel Egco, Pangulo ng NPC, nakahanda silang lumuhod sa Department of Justice para lamang maaksyunan ang petisyon ng pamilya Ortega.
Bukas, September 24, nakatakdang sabayan ng NPC at pamilya Ortega ang pagdating sa bansa ng mga suspected masterminds sa Ortega case na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes ng pagtungo sa DOJ upang umapela kay de Lima.
Matatandaan na pinuna noon ng Court of Appeals ang pagbuo ni de Lima ng pangalawang panel para imbestigahan ang Ortega case makaraang i-absuwelto ng unang panel ang mga Reyes.
Ayon sa CA, hindi na kinailangang bumuo ni de Lima ng pangalawang panel dahil mayroon naman itong kapangyarihang i-review ang desisyon ng unang panel na i-abswelto ang mga Reyes.
“May kapangyarihan si Secretary de Lima na either i-reverse o i-review na baliktarin na lamang ‘yun, eh hindi niya kasi ginawa, sabi nga ng widow ni Doc Gerry, i-review na nila ‘yan bago man lang siya bumaba sa puwesto at mag-file ng candidacy.” Ani Egco.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas