Apektado na rin ng fish kill ang iba pang klase ng lamang dagat sa Manila Bay sa bahagi ng Parañaque City.
Ayon kay Parañaque City Agricultural Office (officer in charge) OIC Nilo Germedia, hindi lamang mga isda ang nangamatay kundi maging ang mga tahong at talaba.
Dagdag ni Germedia, kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resource (BFAR), kanilang ininspeksyon ang mga tahungan sa lungsod at nakitang nangamatay na ang karamihan sa mga ito.
Halos lahat aniya ng mga tahongan at talabahan sa Parañaque ay apektado ng fishkill kung saan makikitang nalusaw ang laman ng mga nabanggit na lamang dagat.
Patuloy namang hinihintay ng lokal na pamahalaan ng Parañaque City ang resulta ng pagsusuri ng BFAR sa water sample sa nabanggit na bahagi ng Manila Bay.
Magugunitang nitong Huwebes, libu-libong mga patay na isda ang naglutangan at nakitang patay sa dalampasigan ng long island sa Las Piñas City at Freedom island sa Parañaque City.