Isinusulong ng isang mambabatas ang panukalang ma-ihiwalay ang IAS o Internal Affairs Service mula sa Philippine National Police o PNP.
Ito ay sa gitna ng kinahaharap na kontrobersiya ng pambansang pulisya dahil sa mga ‘ninja cops.’
Ayon kay PBA Partylist Representative Jericho Nograles, hindi maiiwasang mailagay sa kompromiso ng umiiral na kapatiran sa mga pulis ang integridad ng IAS dahil sa alegasyong pinagtatakpan ng mga matataas na opisyal ng PNP ang kanilang mga tauhan.
Halimbawa aniya nito ang kinaharap na kontrobersiya ni dating PNP chief police general Oscar Albayalde kung saan sinabing namagitan ito sa kaso ng 13 dati niyang tauhan na nasangkot sa maanomalyang drug buy bust operation sa Pampanga noong 2013.
Sa ilalim ng inihaing House Bill 3065 ni Nograles, pina-a-amyendahan nito ang Philippine National Reform Organization Act of 1998 para magtatag ng IAS na labas sa PNP chain-of-command at direktang maisailalim sa pangangasiwa ng secretary of interior and local government.