Labis na ikinatuwa ni dating senador Bongbong Marcos ang desisyon ng Korte Suprema na siyang tumatayong Presidential Electoral Tribunal o PET sa kanyang electoral protest laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay matapos atasan ng Korte Suprema ang magkabilang kampo na maghain ng komento hinggil sa resulta ng recount at petisyon ni Marcos na ipawalang bisa ang resulta ng eleksyon sa Lanao Del Sur, Basilan at Maguindanao.
Ayon kay Marcos, nangangahulugan itong buhay at tuloy pa ang inihain niyang electoral protest.
Kanya aniyang ikinalugod na hindi pinayagan ng Korte Suprema ang nais ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguiao na maibasura ang kabuuang petisyon na kanyang inihain.
Pagtitiyak pa ni Marcos, tuloy ang kanyang pakikipaglaban hanggang sa mailatag niya ang lahat ng ebidensiya sa tribunal.