Pinagbabaril ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki ang isang public school teacher sa harap ng estudyante ng pinag-tatrabahuang eskwelahan sa Valencia City Bukidnon.
Kinilala ang biktima na si Zhaydee Cabañelez, 34 na taong gulang at aktibong miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Region 10.
Ayon sa asawa ng biktima na si Ramil, nangyari ang insidente, kahapon ng 8:00 ng umaga sa labas ng Dalit Elementary School kung saan nagtuturo si Cabañelez.
Aniya, hinintay ng 4 na naka-bonnet ang salarin ng kanyang asawa na lumabas ng eskwelahan saka ito pinagbabaril ng makailang beses.
Dagdag ni Ramil, sinubukan din siyang barilin ng mga salarin pero nagawa niyang makapagtago.
Agad namang dinala si Cabañelez sa Adventist Medical Center kung saan nasa stable na itong kondisyon.
Pagbaril sa isang school teacher kinondena ng ACT
Mariing kinondena ng Alliance of Concerned Teachers Philippines (ACT) ang nangyaring pag-atake sa isang guro ng pampublikong paaralan sa Bukidnon.
Ayon sa ACT, kanilang itinuturing ang insidente bilang pinakamalalang pag-atake sa kanilang grupo at mga miyembro matapos ang ilang buwang profiling, red-tagging, pagbabanta at harassment ng militar.
Kapuna-puna rin anilang nangyari ang insidente sa gitna ng lumalakas na panawagan at pagkakaisa ng mga guro para sa omento sa sahod.
Dagdag ng ACT, tila nagkaroon ng pagtatangka na maghasik ng takot at pigilan ang mga guro sa pagsusulong at pag-gigiit ng kanilang karapatan para sa isang disenteng suweldo.
Isinalarawan ng act ang biktimang si Zhaydee Cabañelez bilang masigasig na miyembro ng unyon na lumalaban para sa pag-unlad ng kalagayan ng mga guro.