Binuweltahan ng Malakaniyang ang source ng Washington Post na naglathala sa anito’y kagimbal gimbal na pag uusap sa telepono nina U.S President Donald Trump at Pangulong Rodrigo Duterte noong April 2017.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ignorante ang nasabing source dahil ang tinutukoy ng Washington Post ay ginawa nang official statement ng Malakaniyang noon pang April 30, 2017.
Sa naturang pag uusap, hinahangaan ni Trump ang ginawa ni Duterte sa pagtugon sa problema sa iligal na droga na binatikos ng iba’t ibang human rights group dahil sa madugo at marahas na operasyon.
Sinabi ni Panelo na walang kabuluhan ang artikulo dahil noon pa man, naging hayagan na sa publiko ang pribadong pag uusap ng dalawang world leaders.
Binanatan pa ni Panelo ang Washington Post na akma ang slogan nitong “Democracy dies in darkness” dahil namatay din ang prestihiyosong pahayagan dahil sa pagsawsaw sa kanilang sarili sa political propaganda.
Wala rin aniyang alam ang source ng Washington Post sa tunay na kalagayan ng kampanya ng Pilipinas kontra iligal na droga.
Inihayag pa ni Panelo na patas lamang ang pag husga ni Trump na tama ang ginagawa ng pangulo sa anti drug war campaign dahil sa kaniyang unlimited at malawak na access sa impormasyon.