Nagpaabot ng pakikiramay sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa pagpanaw ni dating Senate President Aquilino “Nene” Pimentel Jr.
Ayon kay Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, nagluluksa ang sambayanang Pilipino sa pagyao ng isang haligi ng demokrasya at tagapagtaguyod ng mabuting pamamahala.
Bilang itinuturing na ama ng ‘local government code’, hindi nag-atubili si Pimentel na ilaan ang kaniyang oras at buhay sa paglilingkod para palakasin ang mga lokal na pamahalaan
Nagpapasalamat ang adminsitrasyong Duterte ani Panelo sa naging ambag ni Pimentel bilang miyembro ng Con-com o Consultative committee para balangkasin ang bagong saligang batas tungo sa pederalismo.
Sa kaniyang panig, kinilala naman ni Robredo ang naging ambag ni Pimentel sa pagtataguyod ng demokrasya at walang pagod na paglaban para sa karapatang pantao.
Hindi aniya matatawaran ang pagtindig ni Pimentel sa pakikibaka sa soberenya ng Pilipinas upang mapaalis ang mga base militar ng Amerika sa bansa .
Hindi kailanman makalilimutan ani Robredo si Pimentel na nagsisilbing huwaran ng mabuting pamamahala, tapang at prinsipyo lalo na para sa mga kabataan.