Nagbabala ang Philippine Organ Donation and Transplantation Program na nasa ilalim ng pamunuan ng Department of Health (DOH) sa publiko hinggil sa mga iligal na kidney for sale na makikita sa social media platform na facebook.
Anila, mayroong ilang facebook groups na nagiging puntahan ng mga nagbebenta ng kidney na nagkakahalaga mula P250,000 hanggang kalahating milyong piso.
Kumikilos na ang pamunuan ng DOH upang tuluyang masugpo at mahuli ang mga nasa likod ng pagbebenta dahil isa raw itong paglabag sa anti-trafficking in persons act.
Magugunitang nasa halos 37,000 Pilipino ang nangangailangan ng kidney transplant ngunit hindi isinasama ang kanilang pangalan sa waiting list dahil higit sa P1M ang kailangang gastusin para sa operasyon nito.