Isinara sa motorista ang bahagi ng Roxas Boulevard sa Maynila ngayong araw.
Ito ay bunsod ng isasagawang aktibidad para sa selebrasyon ng ika-41 anibersaryo ng Jesus Is Lord Church (JIL) na gaganapin sa Quirino Grandstand.
Batay sa ipinalabas na memorandum ng Manila Police District (MPD) traffic enforcement unit, sarado simula kaninang alas tres ng hapon ang North at South bound lane ng Roxas Boulevard mula T.M Kalaw hanggang Katigbak Drive.
Kaugnay nito, naglatag ang MPD ng rerouting plan para sa mga motorista.
Ayon sa MPD, lahat ng light vehicles na dadaan sana ng southbound lane ng Roxas Boulevard ay maaaring kumaliwa sa P. Burgos, kanan ng Maria Orosa at kanan muli ng Finance Road.
Maaari namang kumaliwa ng P. Burgos diretso ng Finance Road ang mga truck na nasa southbound lane ng Roxas.
Samantala, kailangan namang kumanan sa T.M Kalaw, kaliwa sa Maria Orosa at kaliwa muli sa P. Burgos ang mga malilit na sasakyang dadaan sana ng northbound lane ng Roxas Boulevard.
Habang ang mga truck na nasa northbound lane ng Roxas Boulevard ay kailangan lamang kumanan sa President Quirino Avenue diretso hanggang sa destinasyon.
Sinabi ng MPD nakadepende naman ang muling pagbubukas ng Roxas Boulevard sa magiging sitwasyon ng trapiko. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)