Inirerekomenda ng Commission on Population (POPCOM) sa pamahalaan ang pagdedeklara ng teenage pregnancy national emergency sa bansa.
Kasunod ito ng anila’y nakakaalarmang pagtaas ng bilang ng mga nabubuntis na kabataang babae.
Ayon kay POPCOM Executive Director Undersecretary Juan Antonio Perez III, umaabot sa 1.2-million ang bilang ng nabuntis na kabataang babae na may edad 10 hanggang 19 mula 2011 hanggang 2017.
Sinabi ni Perez, naitala ang mayorya ng teenage pregnancy sa masasabing pinakamahihirap na mga Pilipino.
Nakita rin aniya sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA) na isa sa anim na mga batang ina ay muling nabubuntis na umaabot pa hanggang apat (4) na beses na panganganak.
Dagdag ni Perez, kadalasan ding nakararanas ng premature deliveries, low birth weight, neonatal complications at congenital anomalies ang mga batang ina na kalauna’y makakaapekto sa kanilang mga anak sa hinaharap.