Itinanggi ni Vice President Leni Robredo ang balitang kanyang hinihimok ang pamahalaan na itigil na ang kampanya nito kontra iligal na droga.
Ayon kay Robredo, mali ang naging interpretasyon sa kanyang naging pahayag na lumabas sa media matapos makapanayam ng Reuters noong isang linggo.
Iginiit ni Robredo, walang masama sa kanyang naging pahayag dahil sinabi lamang niya sa interview na kinakailangan nang i-assess ng pamahalaan ang ginagamit na istratehiya sa pagpapatupad ng war on drugs campaign.
Kung makikita aniyang hindi na epektibo ang kasalukuyang strategy, kinakailangan na itong mapalitan.
Binanggit ni Robredo ang statistics mula sa Dangerous Drugs Board kung saan nasa 1.8 million ang bilang ng drug users sa buong bansa noong 2016.
Tumaas aniya ito sa 4 million noong 2017 batay na rin sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte at nitong Pebrero lamang ay mas dumami at naging 7 hanggang 8 million drug users.