This is a developing story. Please refresh page for updates.
Niyanig ng magnitude 6.6 na lindol ang lalawigan ng Cotabato, pasado 9 a.m. ngayong Martes, Oktubre 29.
Naitala ng PHIVOLCS ang episentro ng lindol sa layong 26-kilometro hilaga-silangan ng Tulunan, Cotabato kaninang 9:04 a.m..
May lalim itong 8-kilometro at tectonic ang pinagmulan.
Inaasahan din ang aftershocks maging ang pinsala sa mga istruktura matapos ang nangyaring payanig.
Naramdaman naman ang intensity sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao dulot ng pagyanig.
- Intensity VII – Tulunan at Makilala, Cotabato; Kidapawan City; Malungon, Sarangani
- Intensity VI – Davao City; Koronadal City; Cagayan de Oro City
- Intensity V – Tampakan, Surallah at Tupi, South Cotabato; Alabel, Sarangani
- Intensity IV – General Santos City; Kalilangan, Bukidnon
- Intensity III – Sergio Osmeña Sr., Zamboanga del Norte; Zamboanga City; Dipolog City; Molave, Zamboanga del Norte; Talakag, Bukidnon
- Intensity I – Camiguin, Mambajao
Kasunod nito ay nagdeklara na ng suspensiyon ng klase ang ilang paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at mabigyang daan ang pag-iinspeksiyon sa mga imprastraktura.
Una nang sinuspinde ang klase sa lahat ng pampubliko at pampribadong paaralan (all levels) sa General Santos City.
Nag-anunsiyo rin ng class suspension si Davao City Mayor Sara Duterte sa lahat din ng pampubliko at pampribadong paaralan (all levels).
Nagsuspinde na rin ng klase ang mayor ng bayan ng Tulunan ngayong araw, Martes, Oktubre 29 at bukas, Miyerkules, Oktubre 30, upang mag-inspeksiyon sa mga imprastraktura.
WALANG PASOK:
- Tulunan, North Cotabato (all levels, Martes and Miyerkules)
- General Santos City (all levels)
- Samal Island (all levels)
- Davao City (all levels)
Magugunitang dalawang linggo na ang nakararaan nang lima ang naitalang nasawi habang marami ang nasugatan nang yanigin naman ng magnitude 6.3 na lindol ang kaparehong lugar sa North Cotabato.