Hinimok ng isang grupo ang pamahalaan na paigtingin ang pagpapatupad ng “salt iodization” o “asin law” sa halip na isulong ang pagpapataw ng dagdag buwis sa mga maaalat na pag-kain.
Ayon kay Laban Konsyumer Incorporated President Vic Dimagiba, may posibilidad na hindi lamang usapin ng kalusugan ang dahilan sa nabanggit na panukala ng Department of Health (DOH).
Aniya, maaaring tax revenue o kita ng pamahalaan mula sa buwis ang layunin ng dagdag buwis sa maaalat na pagkain.
Binigyang diin ni Dimagiba, makabubuti kung babalikan muna ng pamalaan kung naipatutupad ng maayos ang Republic Act no. 8172 of 1995 o ‘Asin Law’.
Ito aniya ang solusyon sa usapin ng kalusugan ng publiko kaugnay sa pagkaing maaalat lalo’t hindi lahat ng produkto ay may nakalagay sa label kung anong klase ng asin ang ginamit sa mga ito.
Sa ilalim ng Republic Act no. 8172 of 1995 o Asin Law, inaatasan ang lahat ng mga food producers na gumamit ng iodized salt dahil sa pagtataglay nito ng bitaminang iodine na hindi tulad ng regular na asin.