Isinusulong nila Senador Sherwin Gatchalian at Sonny Angara na imbestigahan ng Senado ang sanhi gayundin ang mga solusyon upang matugunan ang problema ng teenage pregnancy sa Pilipinas.
Ito’y makaraang maghayag ng pangamba ang ilang mga reproductive health, women’s rights at youth advocates sa patuloy na pagsipa ng bilang ng mga kabataang maagang nagbubuntis sa bansa.
Batay sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2014, humigit kumulang 24 na mga sanggol ang isinisilang ng mga kabataang ina kada oras.
Habang isa sa bawat 10 babae na may edad 15 hanggang 19 ang nagsisimulang magbuntis batay naman sa national demographic and health survey.
Ayon kina Gatchalian at Angara, nakaka-alarma ang ganitong mga datos dahil napagkakaitan ng maayos na kalusugan at magandang kinabukasan ang mga kabataan kung hindi sila magagabayan sa usapin ng reproductive health.