Binanatan ng Malacañang ang isang Twitter user na nagpapakalat umano ng fake news laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos i-post ng nabanggit na Twitter user ang isang video kung saan makikitang hindi umano binigyan ng jersey shirt ng FIFA o Fédération Internationale de Football Association si Pangulong Duterte sa isang event sa ASEAN summit.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sadyang inupload ang pinutol na bahagi ng video para maipakitang hindi nakatanggap ng football jersey ang pangulo sa nabanggit na event at ipahiya ito.
Iginiit ni panelo, makikita ang opisyal na larawan ng pangulo sa dinaluhang event sa Facebook account ng Presidential Communications group kung saan may hawak itong jersey shirt kasama ang iba pang ASEAN leaders.
Tinawag din ng kalihim na pinakahuling “dirty political stunt” ng mga kritiko at kalaban ng pangulo ang pagpapakalat ng nabanggit na video.
Isa ang paglagda sa memorandum of understanding sa pagitan ng ASEAN at FIFA sa mga naunang event na ginanap para sa ASEAN summit plenary sa Bangkok.